Ang Sistema Ng Kaparusaan sa Islam

Ang may-akda, Hazrat Mirza Bashir Ahmad(ra), ay ang ikalawang anak na lalaki ng Ipinangakong Mesiyas Hazrat Ahmad(as), tagapagtatag ng kilusang Ahmadiyya. Siya ay isang bantog na manunulat na nakilala dahil sa kanyang masusi at maingat na pagsusuri ng mga problema sa relihiyon. Sa kilusang Ahmadiyya, sa partikular, at sa pangkalahatan ng mga Muslim, siya ay higit na nirerespeto dahil sa kanyang napakahalagang kontribusyon sa panitikan ng Islam.

Sistema ng Kaparusahan sa Islam at sa Kanluran

Ang mga Kristiyanong kritiko ay madalas nagtatanong tungkol sa mga parusa na itinakda ng Islam para sa iba't-ibang pagkakasala. Sa kanilang palagay, ang mga kaparusahang ito ay lubhang mabigat at nais nilang malaman ang mga kadahilanan nito. Kanilang pinupuna ang kaparusahang pagputol ng  kamay na iniuutos sa Qur’an bilang kaparusahan para sa mga nagnakaw. Tila naaangkop na ipahayag ang turo ng Islam tungkol sa paksang ito.

 Ang kaparusahan ng Islam ay naiiba sa sistema ng kaparusahan sa kanluran ngayon. Kung hindi natin isasaisip ang pagkakaibang ito, hindi natin maaasahang maunawaan ang mga pagkakaiba na namamayani sa detalyadong pagpapatupad sa dalawang sistema.

Ang Parusang Kamatayan Iniuutos ng Islam ang parusang kamatayan para sa pagpaslang. Ngunit ito ay maaaring baguhin kung ang mga kamag-anak ng taong napatay ay handang patawarin ang mamamatay-tao kapalit ng kabayaran na pera (Qur’an, Ch.2 Vs.179).

 

Gayunpaman, tungkulin ng estado na tiyakin kung ang alok na kapatawaran ay tunay at walang anumang pamimilit o panggigipit. Dapat ding tiyakin ng estado na ang pagpapataw ng parusang kamatayan ay magbubunga ng pangkalahatang pagpapabuti hindi lamang sa relasyon ng mga partidong apektado kundi maging sa antas ng krimen sa lipunan (Qur’an, Ch.42 Vs.41).

Maling Pakahulugan ng "Pamamato"

Ang karaniwang pakahulugan na itinakda ng Qur’an na "pamamato" bilang parusa para sa isang lalaking may-asawang nangalunya o isang babaing may-asawang nangangalunya ay mali at walang batayan. Walang ganoong kaparusahang nababanggit sa Qur’an. Kung tunay na hinahangad ang ganitong kaparusahan, ito ay walang pag-aalalinlangang nakapahayag sa Banal na Aklat, pati na rin ang mas magaan na parusa na hagupit na naaangkop para sa mga taong walang asawa.  Dapat nating tandaan na ang mas magaan na parusang ito na nabanggit sa Qur’an ay kaugnay nang pinaghihinalaang insidente hinggil sa isang babaeng may-asawa (Ch.24 Vs.3 at Bukhari (Hadith)).

Kaparusahan Para sa Apostasiya

Ang parusang kamatayan para sa pagtalikod sa Islam ay hindi pinahihintulutan ng Islam. Ang kadalasang hindi nauunawaan na kaparusahan para sa apostasiya ay ang kaparusahan para sa kataksilan at paghihimagsik. Noong mga unang araw ng Islam, ang apostasiya at paghihimagsik ay laging magkasama. Ang pagkakamali ng tao tungkol dito ay dahil sa pagkalitong ito (Qur’an, Ch.5 Vs.34).

Kaparusahan Para sa Armadong Pagnanakaw

Ang pagputol ng kamay at paa na ipinapataw para sa mga magnanakaw [i.e., armadong magnanakaw] at rebelde sa Banal na Qur’an ay para lamang sa mga gumagawa ng kasalanang ito laban sa mga inosenteng tao (Ch.5 Vs.34 at Bukhari (Hadith)). Sinasabi sa Qur’an: "Mayroong buhay para sa inyo sa batas ng paghihiganti, O mga taong may pang-unawa upang matamasa ninyo ang seguridad" (Ch.2 Vs.180). Ngunit kahit ang mga armadong magnanakaw at rebelde ay dapat patawarin kung sila ay magsisisi bago sila maaresto (Qur'an Ch.5 Vs.35).

Kaparusahan Para sa Pagnanakaw

Marahil ang tanging parusa na nangangailangan ng paliwanag ay ang pagputol ng kamay bilang parusa sa pagnanakaw. Ngunit ayon sa alituntunin na iniutos ng Islam, ang pagpapaliwanag tungkol sa parusang ito ay hindi dapat maging isang mahirap na bagay. Dapat nating alalahanin ang sumusunod na mga punto:

(a) Naniniwala ang Islam sa pagsugpo ng krimen sa pamamagitan ng pagbibigay ng parusa bilang halimbawa. Sa katunayan, ang nasabing mga parusa ay magbibigay ng epektibong pagsugpo laban sa pagawa ng krimen na ito. Salungat dito, ang kasalukuyang sistema ng kaparusahan sa Kanluran ay nagbibigay ng maling damdamin at gumagamit ng hindi epektibong parusa na ang pagpapataw ay natatagalan. Pinapalaganap nito ang krimen sa halip na siyasatin at pigilin ang mga ito.

(b) Isinasaalang-alang ng Islam ang kalusugan ng moralidad ng lipunan higit sa pisikal na integridad ng isang tao at ito ay ang tanging likas at makatwirang pananaw. Salungat dito, ang sistema ng kaparusahan sa kanluran ay nag-aatubiling epektibong harapin ang indibidwal na kriminal, ang pag-aatubiling ito ay nagbubunga ng masama sa moral na kalusugan ng kabuuang lipunan. Walang makatwirang tao ang hindi makakaunawa na ang moral na kapakanan ng isang komunidad o lipunan sa kabuuan ay mas mahalaga kaysa sa pisikal na kapakanan ng isang tao. Ang awa sa isang tao ay hindi dapat magtulak sa atin na isakripisyo ang pangunahing interes ng lipunan. Kapag ginawa natin ito, tayo ay nagpapatalo sa maling emosyon na ang masamang bunga ay ating mababasa sa mga pahina ng kasaysayan.

(c) Ang kasabihan ni Jesus(as) na 'Ang isang punong kahoy ay nakikilala sa bunga nito' ay dapat na makatulong sa ating pag-unawa sa paksang ito. Alam ng marami na sa mga bansang kung saan isinasagawa ang parusang Islamiko, ang krimen ay naitalang higit na bumaba. Sa ibang sistema ng pagpaparusa, ang mga krimen ay lalo lamang dumarami. Ang pagkakaibang ito ay hindi na kinakailangang ipaliwanag.

(d) Magiging kapakipakinabang din na banggitin ang mahalagang kasabihan ni Hesus (as):

"At kung ang kanang kamay mo ay nagkasala, putulin mo ito at itapon mo malayo sa iyo; sapagkat mas mahalaga  na ang isa sa bahagi ng iyong katawan ay mawala kaysa ang buong katawan mo ay itapon sa impiyerno"(Biblia, Mateo 5:30).

(e) Ang maling pagkakaunawa sa paksang ito ay dahil rin sa mga taong pumupuna sa turo ng Islam hinggil dito. Kanilang tinitingnan ang napakalaki at napakaraming krimen na nagaganap sa modernong lipunan. Ipinalalagay nila ang mga kaparusahang ito sa bilang at iba’t-ibang krimen na nabanggit. Ang resulta ng pagsasalarawang ito ay nakakagulat. Ito ay nagtutulak sa tao na isiping sa ilalim ng sistemang Islamiko, malaking bilang ng mga tao ang mapuputulan ng kamay. Ito ay nagbibigay ng isang ganap na maling paglalarawan. Mas tamang isipin ang isa o dalawang taong nagkasala noong unang panahon at nakatanggap ng parusa ng pagkawala ng  kamay, pagkaraan ay makatitiyak tayo na ang krimen na ito ay hindi na muling mangyayari. Ito ang totoong nagaganap sa ilalim ng sistemang Islamiko.

Pananggalang at Mga Limitasyon ng Kaparusahan Para sa Pagnanakaw

Sa kabila ng nasabi sa itaas, maling isipin na ang Islam ay nagpapataw ng parusa sa bawat uri ng pagnanakaw sa pamamagitan ng pagputol ng kamay. Nakakalimutan ng marami na sa praktikal na pamamahala ng parusa ng Islam ay may nakalaang pananggalang at mga limitasyon na naaayon sa diwa ng karunungan. Ang mga pananggalang at limitasyon ay ang mga sumusunod:

 

(a) Ang parusang ito ay hindi ipapataw kung ang ninakaw ay pagkain na sapat lamang upang panatilihin ang buhay ng isang tao. Hindi kailanman iminungkahi ng Banal na Prophet(sa) ang pagputol ng kamay para sa pagnanakaw ng prutas o iba pang pagkain (Muatta at Tirmidhi (Hadiths)). Gayundin, kung sa paglalakbay ang isang tao ay nagnakaw dahil naubusan siya ng mapagkukunan, siya ay hindi paparusahan ng pagputol ng kamay (Abu Daud), subalit maaaring patawan ng ibang kaparusahan.

(b) Upang mapatawan ng matinding parusa ng pagputol ng  kamay, malaking halaga ang dapat na ninakaw. Para sa mga bagay na maliit lamang ang halaga, ang krimen ay hindi papatawan ng matinding parusa. Ito ay ipapataw lamang sa isang mabigat na kaso ng pagnanakaw (Bukhari at Muslim (Hadith)).

(c) Sa pagkakataong may pagdududa o pag-aalinlangan — halimbawa, kung ang pagnanakaw ng bagay na pag-aari ng nagkasala ay karaniwang pag-aari ng iba — ang matinding kaparusahan ay hindi mailalapat, kahit na ang halaga ng pagnanakaw ay higit pa sa legal na bahagi ng salarin. Gayundin ang alituntunin sa nasamsam sa digmaan. Hindi kailanman maipapataw ng Banal na Prophet(sa) ang matinding parusa sa isang kawal na nagkasala nang ganito (Tirmidhi (Hadith)).

(d) Ang pagkuha sa mga pag-aari ng malapit na kamag-anak ay hindi maituturing na pagnanakaw. Si Hind, ang asawa ni Abu Sufyan, ay hindi pinaratangan na isang magnanakaw nang sabihin niya sa Banal na Propeta(sa) na minsan ay pinamamahalaan niya ang mga ari-arian ng kanyang asawa nang walang pahintulot (Tabari). Si Umar(ra), ang ikalawang Khalifa ng Islam, ay tumanggi rin sa pagpataw ng matinding kaparusahan sa isang taong nagnakaw mula sa kabang-yaman ng estado. Ang nagkasala ay maaaring patawan ng ibang parusa.

(e) Ang mga batang nagkasala na hindi pa umaabot sa wastong gulang pati na rin ang mga taong may kakulangan sa pag-iisip ay ligtas mula sa matinding kaparusahan.

(f) Ating matatagpuan sa mga Hadith na ang isang taong tumangay o umagaw sa isang bagay mula sa iba dahil hindi sapat ang pag-iingat ng taong pinagnakawan ay hindi nararapat na patawan ng parusa ng pagnanakaw, ni ang isang taong gumawa ng isang paglabag ng pagtitiwala (Tirmidhi). Ang gayong mga tao ay mayroong ibang kaparusahan.

(g) Ang taong magsisisi bago maaresto dahil sa pagnanakaw, at humingi ng nararapat na kapatawaran ay hindi papatawan ng kaparusahan para sa pagnanakaw (Tirmidhi).

Mayroon ding naghahangad na malaman na, ayon sa ilang mga nakaraang Muslim na mambabatas, ang pagpapataw ng pagputol ng kamay na nabanggit sa Banal na Qur’an ay dapat nating maunawaan sa isang metaporikong paraan, ang ibig sabihin nila dito ay dapat awatin ang kamay ng salarin upang mapigilan siya sa ibang angkop na paraan (pagkakabilanggo, atbp.). Gayunpaman, mahirap tanggapin ang paliwanag na ito.

Pagtatalo Tungkol sa Parusang Kamatayan

Ang kasalukuyang pagtatalo sa Kanluran tungkol sa parusang kamatayan ay kaugnay din sa ating kasalukuyang pag-aaral. Ilang taon na ang nakalipas, ang parusang kamatayan ay tinanggal sa ilang mga estado sa Amerika. Alam ng lahat ang resulta ng eksperimentong ito. Dumami ang krimen at ang parusang kamatayan ay kinailangang ibalik. Ang aral nito ay malinaw.

Ang Batas ni Moises(as)

Ang batas ni Moises(as) na tinanggap bilang isang batas ng lahat ng Kristiyano ay nagpapataw ng mas marahas na kaparusahan kaysa sa mga itinatagubilin ng Islam. Gayunpaman, sa mga batas na ito, sinabi ni Hesus(as): "Dumating ako hindi upang manira, kundi upang tumupad." Kung gayon, ang mga tumanggap ng mga aklat ni Moises(as) at ni Hesus(as) bilang kanilang banal na mga aklat ay hindi makakakita ng kamalian sa parusang iniuutos ng Islam.

Kahit na ang mga parusa na itinakda ng Islam ay itinuturing na matindi ng iilan, dapat nilang tandaan na ang mga parusa ito ay itinalaga upang puksain ang krimen at kasamaan, at upang maiwasan ang pag-uugat ng mga ito.

Batas ng Paghihiganti

Ang huling tanong ay nauugnay sa batas ng paghihiganti, mata sa mata, ilong sa ilong, tainga sa tainga, ngipin sa ngipin at iba pa. Una sa lahat, dapat nating tandaan na ang mga talata sa Qur’an tungkol sa paksang ito ay tumutukoy sa batas ni Moises. Hindi ito galing sa Qur’an (Ch.5 Vs.46). Bukod sa binigyang-diin sa pangkalahatang turo ng Islam, ang batas ay nag-aalay ng isang lehitimong alituntunin ng paghihiganti na kung wala nito ay maaaring mawalan ng kapayapaan ang lipunan. Ang batas na ito ay, gayunpaman, napapasasailalim sa pangunahing turo ng Islam na ipinahayag :

(a) "May buhay para sa iyo sa batas ng paghihiganti, O mga taong nakakaunawa  upang makamit ninyo ang kaligtasan" (Ch.2 Vs.180).

(b) "Ngunit ang sinumang magpatawad at ito ay magbunga ng pagbabago at pag-unlad sa kaniyang mga relasyon, siya ay magkakaroon ng gantimpala mula kay Allah" (Ch.42 Vs.39).

Mga Napiling Paksa

  • Islam - Isang Pangunahing Panimula

  • Ang Banal na Qur'an Isang Patnubay para sa lahat ng Sangkatauhan

  • Ang Banal Na Propetang Muhammad (saw)

  • Ang Belo ng Islam

  • Ang Sistema ng Kaparusaan sa Islam

  • Bakit Ako Naniniwala sa Islam

  • True Concept of Jihad in Islam

  • Mga tanong tungkol sa Islam

 

Makipag-ugnayan

 

The Ahmadiyya Muslim Association Inc.

14 Pilar Banzon St. BF Homes Paranaque City, Metro Manila

Telephone: +63 (02) 842 2728

email:

ahmadiyya.ph@gmail.com

 

Zamboanga City Office:

Peace Compound, Pitogo, Sinunuc, Zamboanga City 7000

Telephone: +63 (62) 983 1294

email: ahmadiyyazamboangacity@gmail.com

  • Facebook Social Icon
  • Twitter
  • YouTube

Copyright © 2020 AMA Inc, Philippines